Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Katipunan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon (KAPPT) na mas itaas pa ang kalidad ng pelikulang Pilipino.
Ayon sa Pangulo, ang pelikula ay epektibong instrumento upang ipakita hindi lamang ang Filipino culture, kundi maging ang mga progresong nakamit na ng Pilipinas.
Sa kanyang mensahe sa oath-taking ceremony ng KAPPT officers at ng Board of Directors nito, tiniyak ng Presidente ang tulong ng gobyerno sa grupo.
“I am pleased to hear your oath and commitment to responsibly lead our very own actors guild and to know that the government has a genuine and reliable partner in all of you,” ayon kay PBBM.
Sinabi ni Marcos na ang mga pelikula at ang telebisyon ay nagsisilbing epektibong plataporma para sa makabuluhang dayalogo at positibong pagbabago.
Maliban dito, kinilala rin ni Pangulong Marcos ang mga hakbang ng KAPPT upang tiyakin ang kapakanan ng local film and television industry workers, magkaloob ng trabaho at oportunidad sa publiko at makatulong sa ekonomiya ng bansa.
Sabi ng Pangulo, suportado ng gobyerno ang industriya ng pelikula at telebisyon at tutulong ang pamahalaan sa promosyon ng mayamang kultura ng bansa.
“Lahat ‘yan ay mahalaga sa gobyerno. Mahalaga sa ekonomiya natin ‘yan. Kasi nakakatulong ‘yan sa ating pag-publicize ng Pilipinas at tayo naman ay maipagmamalaki natin, hindi tayo mapapahiya kahit sa anong klaseng…. artistic endeavor,” dagdag pa ng Pangulo.
Aniya pa, kabila ng naging epekto ng pandemya ng COVID-19 sa local film industry, hindi naman ito naging hadlang sa mga director, artista at industry workers para magbigay ng de kalidad na produkto na ang iba ay nasali pa sa mga international film festivals.
Umaasa naman ang Pangulo na sasamantalahin ng KAPPT ang makabagong teknolohiya at bagong mga plataporma para maipakita sa mundo ang galing ng mga Pinoy sa industriya.