Masayang hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino sa mga programang inihanda ng pamahalaan para sa ika-126 na selebrasyon ng Araw ng Kalayaan ngayong Hunyo 12.
Mula ngayong Lunes, Hunyo 10 hanggang Hunyo 12, iba’t ibang aktibidad ang inilunsad ng administrasyong Marcos sa Quirino Grandstand at Burnham Green sa Rizal Park.
Kabilang dito ang paligsahan ng pagluluto sa mga pambansang pagkain, libreng concert, at tiangge ng mga lokal ng produkto.
Tampok din dito ang Chili Festival o ang pagkain ng siling labuyo at libreng pelikula tungkol sa mga bayani.
Siyempre, hindi mawawala rito ang one-stop shop caravan ng mga serbisyo ng pamahalaan.
Sa mismong Araw ng Kalayaan, magkakaroon naman ng Parada ng Kalayaan kung saan 22 float na gawang Pinoy ang lalahukan ng iba’t ibang probinsya sa bansa.
Panawagan ni Pangulong Marcos sa publiko, sama-samang iwagayway ang watawat ng Pilipinas at ipagdiwang ang pagiging Pilipino.