Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paggunita sa ika-160 anibersaryo ng kapanganakan ng bayaning si Apolinario Mabini sa Apolinario Mabini Shrine sa Tanauan City, Batangas.
Sa kanyang talumpati, hinimok ni Pangulong Marcos ang mga kabataan na gawing inspirasyon at halimbawa si Mabini upang magtagumpay sa buhay.
“Ang kaniyang ipinamanang lakas ng loob ay nabubuhay sa kanila at sa maraming Pilipino na patuloy na nag-aalay ng kanilang husay at talento para sa patuloy na pag-unlad ng Pilipinas. Tinatawagan ko ang mga kabataang Pilipino ngayon na gawing inspirasyon at halimbawa ang buhay ni Apolinario Mabini upang magpunyagi sa buhay,” saad ng pangulo.
Dagdag pa niya, patunay ang tinaguriang “Dakilang Paralitiko” na may kakayahang gumawa ng pagbabago ang bawat isa, sa kabila ng iniindang kalagayan o anumang pagsubok.
Kaugnay nito, inihayag din ni Pangulong Marcos ang kanyang hangarin na maunawaan ng bagong henerasyon ang mga pilosopiyang pampulitika at panlipunan ni Mabini upang makatulong sa pagsulong ng bansa.