Isinapubliko ng Official Gazette o ang opisyal na journal ng Republika ng Pilipinas ang Proclamation No. 353 nitong October 4, 2023. Dito, nakasaad na ipagdiriwang na ang Cybersecurity Awareness Month kada Oktubre ng taon.
Ayon kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., inilipat ang nasabing selebrasyon mula Setyembre para makasabay ang Pilipinas sa international observance ng Cybersecurity Awareness Month. Parte ito ng pag-amyenda sa original Proclamation No. 2054 na inisyu noong 2010. Hinangaan naman ng netizens ang aksyong ito ni Pangulong Marcos Jr. dahil sila mismo, apektado sa cybersecurity lalo na at active sila sa social media.
Ayon sa cybersecurity company na Kaspersky, top 2 ang Pilipinas sa pinakamaraming cyberattacks sa buong mundo noong 2022. Ayon naman sa report ng National Capital Region Police Office, 6,250 ang naitalang cybercrime sa NCR mula January hanggang June 2023. Tumataas ito ng 152% kumpara sa datos noong nakaraang taon.
Layon ng cybersecurity awareness month na palakasin ang pag-address sa strategic policy dimensions ng cybersecurity, pag-develop ng national cyber defense, at pagsasagawa ng campaigns para magkaroon ng awareness ang publiko sa cybersecurity. Sinisiguro rin nito ang pagpapahalaga ng pamahalaan sa consumer protection and welfare at data privacy and security. Pasisiglahin din nito ang competition at growth ng Information and Communication Technologies sector.
Inatasan ni Pangulong Marcos Jr. ang Department of Information and Communications Technology o DICT na pangunahan ang mga programa, proyekto, at aktibidad para sa Cybersecurity Awareness Month.
Hinikayat din niya ang lahat ng national government offices, local government units, non-government organizations, at private sectors na suportahan ang DICT at mag-participate sa annual observation ng Cybersecurity Awareness Month.
Matatandaang sa World Economic Forum noong January 18, 2023, nangako ang Pangulo na i-iimprove ng administrasyon niya ang online connectivity o internet, kasabay ng pag-step up ng cybersecurity ng bansa.
Sa pag-amyenda ng Proclamation No. 2054, masasabing gumagawa ng aksyon ang administrasyong Marcos para mapanatiling safe at secure ang Filipino netizens.