Aprubado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-deputize sa Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at iba pang ahensya para sa plebisito sa paghahati sa anim na barangay sa Brgy. Bagong Silang sa Caloocan City.
Sa Memorandum Order no. 31, sinang-ayunan ni PBBM ang hirit ng Commission on Elections o COMELEC En Banc para sa pag-deputize ng law enforcement agencies at instrumentalities, upang matiyak ang malaya, maayos, tapat, mapayapa, at credible na botohan.
Kasabay nito, inatasan ang mga kaukulang ahensya na direktang makipag-ugnayan sa COMELEC para sa plebisito.
Sa ilalim ng Republic Act no. 11993, hahatiin ang Brgy. Bagong Silang sa anim na independent barangay kung saan idinaraos na ngayong araw, Agosto 31, ang plebisito.