Pinatitiyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Agriculture (DA) ang katatagan at suplay ng pagkain sa gitna ng El Niño phenomenon.
Sa isang press briefing, ibinahagi ni Agriculture Undersecretary Roger Navarro na nagkaroon ng pagpupulong sina Pangulong Marcos at DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. tungkol sa suplay ng mga pangunahing bilihin sa Pilipinas.
Ayon kay Usec. Navarro, stable at walang magiging problema ang bansa sa mga susunod na buwan pagdating sa crop commodities, partikular na sa bigas at mais, at karne ng baboy at manok.
Batay naman sa Rice Supply and Demand Outlook para sa 2024, magiging matatag ang suplay ng bigas sa bansa hanggang sa pagtatapos ng taon na may annual average surplus na 3.7 million metric tons.
Samantala, inihayag ng Task Force El Niño na kailangan pa ring ipatupad ang mga paghahanda sa tagtuyot na maaaring magpatuloy hanggang sa Mayo.