Tinatayang 30% ng mga gulay ang nasasayang sa bansa dahil sa overproduction.
Ito ay ayon mismo kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. Dahil dito, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DA na tugunan ang isyung ito.
Sa isang pagpupulong kasama ang agriculture officials sa Malacañang noong January 16, 2024, sinabi ni Pangulong Marcos na dapat magkaroon ang mga magsasaka ng mga kinakailangang impormasyon upang malimitahan ang produksyon ng mga produktong pang-agrikultura na sellable o mabili sa merkado.
Upang maiwasan ang overproduction, binigyan ng Pangulo ng direktiba ang DA na magpatupad ng data-driven information system kada planting season.
Kapag nakabase sa datos ang mga impormasyon na ibabahagi sa mga magsasaka at producers, makakapag-desisyon sila kung ano lang ang mga dapat itanim batay sa kung anong mga produkto ang mabenta sa partikular na panahon. Sa ganitong paraan, hindi na magkakaroon ng agricultural products na basta-basta lang na nabubulok at nasasayang.
Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos na dapat magkaroon ang mga magsasaka ng technical knowledge; i-upgrade ang pag-proseso sa mga kalakal; at bumuo ng mga pasilidad na magpapataas sa halaga ng kanilang mga produkto.
Kaugnay nito, tiniyak ng DA na magpapatayo sila ng mas maraming cold storage facilities; partikular na sa La Union o Baguio, Taguig, Quezon, at Occidental Mindoro. Plano ring magtatag ng ahensya ng 5,000 pallet position cold storage para sa mga gulay at high-value crops na inaasahang magagamit sa June 2025.
Sa pagpapatayo ng cold storage facilities, mababawasan ang kaso ng overproduction at pagkalugi ng mga magsasaka at mangingisda dahil magsisilbi itong imbakan na magpapahaba sa shelf life ng kanilang mga produkto.