Nananatili sa low proficiency level ang performance ng mga estudyanteng Pilipino.
Ito ang naipakitang resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) para sa taong 2022. Sa katunayan, kabilang sa bottom 10 ang bansa pagdating sa math, science, at reading.
Bilang pagsisikap na matugunan ang isyung ito, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Education (DepEd) na tutukan ang pagpapahusay sa teaching quality ng mga guro sa Pilipinas.
Noong December 5, 2023, inilabas ng PISA ang resulta ng exams na ginanap mula March 2022 hanggang May 2022.
Every three years, tine-test ng PISA ang libo-libong 15-year-olds mula sa iba’t ibang sulok ng mundo upang alamin ang kanilang performance sa math, science, at reading. Halos 7,200 Filipino students mula sa 188 schools at 16 regions sa bansa ang nakilahok sa naturang computer-based exam noong 2022.
Out of 81 countries, 76th ang ranking ng Pilipinas sa math. 79th naman ito sa reading at 80th sa science.
Sa briefing na ginanap noong January 11, 2024, sinabi ni DepEd Undersecretary Gina Gonong na nagkaroon man ng two-point increase sa reading at seven points sa math kumpara noong 2018, hindi pa rin ito significant.
Dahil dito, inatasan ni Pangulong Marcos ang DepEd na ituloy ang mga pagsisikap upang magkaroon ng improvement sa performance ng Pilipinas sa wide-scale international assessment.
Kabilang sa mga direktiba ni Pangulong Marcos ang pagtutok ng DepEd sa pagsasanay ng mga guro at pag-update sa kaalaman nila sa teknolohiya. Ayon kay DepEd Undersecretary Michael Poa, nais talaga ng Pangulo na magkaroon ng expertise ang mga guro.
Patuloy rin ang DepEd sa pagpapatupad ng school-based feeding program at sa pagpapalakas ng mga programa kontra bullying.
Samantala, sa ilalim ng MATATAG Education Agenda ng DepEd, ipapatupad ang National Learning Recovery Program (NLRP) at ang pilot implementation ng MATATAG Curriculum. Tutukan din dito ang wellbeing ng mga guro, gaya na lang sa pagpapalakas ng kanilang professional development at pagtanggal sa non-teaching tasks.
Ipagpapatuloy ng administrasyon ang mga hakbang upang mapahusay ang performance ng bansa sa edukasyon. Pangako nga ni Pangulong Marcos, “Every Filipino student will get quality education.”