Bilang bahagi ng pagsusumikap ng administrasyon na pangalagaan at protektahan ang kalusugan ng mga bata, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Health (DOH) at ibang ahensya ng pamahalaan na palakasin pa ang immunization program ng bansa.
Sa ginanap na sectoral meeting sa Malacañang, binigyan ni Pangulong Marcos ng direktiba ang Presidential Communications Office (PCO) na makipag-ugnayan sa DOH upang mapalakas ang information drive ukol sa pagpapabakuna sa mga bata.
Ayon sa pangulo, malaki ang papel ng social media at ang pagkikipagtulungan sa mga respetadong medical practitioners upang ipaalam sa publiko ang kahalagahan ng bakuna.
Layon ng pamahalaan sa kampanyang ito na matiyak na 95% ng mga bata sa Pilipinas ang fully immunized o bakunado.
Upang makamit ito, ilulunsad rin ng pamahalaan simula October 7 ang nationwide “Bakuna Eskwela” program na target na mabakunahan ang higit 1.5 million na bata kada taon.