Nitong January 3, 2024, pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Memorandum Circular No. 41 na nag-aatas sa government agencies at local government units (LGUs) na ipagdiwang ang Community Development Week.
January 3, 1994 nang nilagdaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang Proclamation No. 316. Dito, idineklara ang first week of January bilang Community Development Week. January 6 naman ng kada taon ginugunita ang Community Development Day. Itinakda ang Community Development Week upang lumakas ang bayanihan spirit ng mga Pilipino.
Kapag narinig mo ang salitang bayanihan, tiyak na ang unang pumapasok sa isip mo ay ang larawan ng mga Pilipinong tulong-tulong na nagbubuhat ng bahay-kubo papunta sa paglilipatan nito.
Sa panahon ngayon, hindi na nabubuhat ang mga bahay pero hindi ibig sabihin nitong dapat nang balewalain ang kultura ng bayanihan, lalo na sa mga kabataan. Posible pa rin itong maisagawa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan at pakikiisa sa sariling komunidad.
Upang mapanatili ang bayanihan at kooperasyon sa mga Pilipino, inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Interior and Local Government (DILG), katulong ang iba’t ibang organisasyon, na pangunahan ang mga aktibidad para sa annual Community Development Week at Community Development Day.
Lahat ng government agencies at instrumentalities, kabilang na ang government-owned or controlled corporations, government financial institutions, at state universities and colleges (SUCs) ay may direktiba na magsagawa ng mga programa para sa naturang selebrasyon.
Samantala, hinikayat naman ni Pangulong Marcos ang LGUs na suportahan at makiisa sa Community Development Week.