Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Science and Technology (DOST), at Philippine Coast Guard (PCG) na pangunahan ang assessment kaugnay sa lumubog na fuel tanker sa Limay, Bataan.
Matatandaang may dala ang MT Terra Nova na 1,494 metric tons ng industrial fuel oil nang tumaob ito. Kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) na nagdulot ang insidenteng ito ng oil spill.
Sa situation briefing, nagbigay ng direktiba si Pangulong Marcos na aralin ng DENR at DOST ang galaw ng alon, lebel ng tubig, at ang mga lugar kung saan posibleng mapadpad ang tumagas na langis.
Ipinag-utos din ng pangulo na tugunan ang oil spill at alamin ang epekto nito sa kapaligiran.
Samantala, 16 mula sa 17 tripulante na sakay ng lumubog na tanker ang nasagip ng PCG.