Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na i-adjust ang anim na milyong target na housing units sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) Program.
Sa isang sectoral meeting kasama ang mga opisyal ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa Malacañang, binigyang-diin ng pangulo na dapat itong gawin upang matiyak na magiging matagumpay at sustainable ang 4PH Program.
Ayon kay Pangulong Marcos, dapat maging batayan ang demand at pangangailangan sa bagong housing target.
Dagdag pa niya, magbibigay-daan ito upang masuri ang kapasidad ng pamahalaan na makapagbigay ng garantiya at interest subsidies sa kanilang social development programs.
Matatandaang inilunsad ng administrasyong Marcos ang 4PH Program noong September 2022. Layon nitong matugunan ang housing backlog ng bansa sa pagtatapos ng termino ng pangulo sa 2028.