Inatasan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensya ng pamahalaan na makipag-ugnayan sa local government units (LGUs) bilang paghahanda sa paparating na La Niña phenomenon.
Sa kanyang talumpati sa ginanap na pamamahagi ng tulong pinansyal para sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng El Niño sa Maguindanao del Sur, tiniyak ni Pangulong Marcos ang pagpapatupad ng whole-of-government approach upang paghandaan ang La Niña.
Ayon sa pangulo, nakikipagtulungan na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Asian Development Bank (ADB) at iba pang ahensya ng pamahalaan upang maisakatuparan ang Flood Risk Management Project upang pagaanin ang epekto ng matinding pagbaha.
Nauna na ring ibinahagi ni Pangulong Marcos na gagawa ang pamahalaan ng irigasyon na gagamitin sa pag-iipon ng tubig at tutulong sa pagkontrol ng pagbaha.