Nitong December 15, 2023, naglabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng kautusan na lilikha ng opisinang naka-focus sa investment at economic programs ng bansa.
Sa bisa ng Executive Order (EO) No. 49, bubuuin ang Office of the Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (OSAPIEA) sa ilalim ng Office of the President (OP).
Layon ng OSAPIEA na tiyakin ang epektibong integrasyon, koordinasyon, at implementasyon ng iba’t ibang polisiya at programang pang-ekonomiya at pang-investment.
Kabilang sa mga magiging tungkulin ng OSAPIEA ang tulungan ang Pangulo sa pagbibigay ng strategic advice sa mga usaping pang-ekonomiya gaya ng inflation, food security, at pagtaas ng presyo ng mga panungahing bilihin. Titiyakin din ng tanggapan na matutupad ang investment pledges na nakakalap ng bansa mula sa foreign investors.
Pangungunahan ni Presidential Adviser on Investment and Economic Affairs Frederick Go ang OSAPIEA. Bilang Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (SAPIEA), magsisilbi siya bilang Chairperson ng Economic Development Group (EDG).
Makikipagtulugan ang SAPIEA sa EDG upang kilalanin ang mga pangunahing programa at proyekto sa ilalim ng Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028. Siya rin ang magmo-monitor, magre-review, at mage-evaluate sa progress ng prioritity initiatives ng administrasyon. Bukod dito, kikilalanin din ng SAPIEA ang mga naging isyu sa implementasyon ng mga programa at ire-report ito sa Pangulo.
Uupo rin ang OSAPIEA head bilang miyembro ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board, Investment Coordination Committee (ICC), Social Development Committee (SDC), Committee on Infrastructure (INFRACOM), at Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Ang mga Kalihim naman ng NEDA at Department of Finance (DOF) ang magsisilbi bilang Vice Chairpersons ng OSAPIEA.
Alinsunod ang paglikha ng investment and economic affairs office sa layunin ng administrasyong Marcos na makamit ang economic at social transformation sa bansa, sa pamamagitan ng inclusive growth at paglikha ng environment na nagbibigay ng patas na oportunidad para sa lahat ng Pilipino.