Inusisa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagdagsa ng mga tao sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagresulta ng stampede at pagkasugat ng mga kwalipikado para sa educational assistance.
Sa pahayag ni DSWD secretary Erwin Tulfo, nito lamang Sabado ng umaga ay nakatanggap siya ng tawag mula sa Punong Ehekutibo upang tanungin at alamin ang dahilan ng pagdami at paghaba ng pila ng mga tao sa labas ng DSWD office.
Nilinaw ni Tulfo sa Pangulo na ang dahilan ng pagdagsa ng mga tao sa labas ng kanilang ahensya ay dahil binuksan umano nila sa lahat ang pagbibigay ng ayudang pang-edukasyon para sa mga estudyante na nasa in crisis situation.
Ayon kay Tulfo, naiintindihan naman daw ng Pangulo ang kaniyang paliwanag kung saan, pinatutu-tukan ng Punong Ehekutibo ang naturang sitwasyon.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na sila sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa Memorandum of Agreement upang gawing pay out ang pamamahagi ng cash assistance na pangungunahan pa rin ng DSWD.