Matatandaang hinangaan sa social media ang pag-apruba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ng paglalabas ng pondo para sa Rice Farmers Financial Assistance Program. Sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance Program, tatanggap ang higit sa 2.3 milyong magsasaka ng tig-5,000 pesos na ayuda. Galing ang pondong ito sa mga nakolektang buwis sa imported na bigas noong 2022 na aabot sa 12.7-billion pesos.
Ngayon naman, may good news ulit tayo para sa mga kababayan nating magsasaka dahil kamakailan lang, inatasan ni Pangulong Marcos Jr. ang Department of Agriculture na gamitin ang sobrang pondo mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund para tulungan pa rin ang rice farmers sa bansa.
Nilagdaan ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law noong February 14, 2019. Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, private sectors na lang ang pinapayagang mag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa. Ang imported na bigas naman ay papatungan ng buwis o taripa. Kasalukuyang minimum 35% ang ipinapatong na taripa sa imported rice. Maaalalang iminungkahi ng Department of Finance na pababain ang taripa ng 0% to 10% na agad namang ibinasura ni Pangulong Marcos Jr. dahil aniya, private retailers lang ang makikinabang dito at hindi ang mga magsasakang Pilipino.
Nakasaad sa Rice Tariffication Law na ang makokolektang taripa ay mapupunta sa Rice Competitiveness Enhancement Fund. Ginagamit ito para sa mga programang naka-focus sa pagpapataas ng ani at pagpapalaki ng kita ng mga magsasaka. Mayroong target na 10-billion pesos yearly ang Rice Competitiveness Enhancement Fund.
Ngayon naman, ipinag-utos ni Pangulong Marcos Jr. sa Department of Agriculture na ang sobrang pondo dito ay ipapamahagi pa rin sa mga magsasaka.
Ayon sa Pangulo, gagamitin ang sobrang koleksyon para bumili ng mga makina, tractor, harvester, dryer, at iba pang kagamitan para palakasin ang produksyon ng mga Pilipinong magsasaka.
Nais ni Pangulong Marcos Jr. na ibuhos ang sobrang koleksyon ng taripa sa mga magsasaka para masiguro ang magandang produksyon. Sa pagpapaganda ng produksyon, hindi na dedepende ang bansa sa pag-import ng agricultural products.
Hangad ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG na mapunta sa mga magsasaka ang makokolektang buwis sa imported rice, at makikitang ito ang ginagawa ni Pangulong Marcos Jr. Mula sa pagsasaayos ng mga daanan sa pamamagitan ng National Farm-To-Market Roads Network Plan, pagpapataas ng buying price ng palay; maging sa pagtutol sa panukalang papababain ang buwis sa imported rice, masasabing sinisikap ng Pangulo na gawing pro-farmer government ang Pilipinas.