Ipinag-Utos na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga ahensya ng gobyerno ang agarang tulong sa mga naapektuhan ng magnitude 6.4 na lindol sa Ilocos Region at iba pang lugar sa bansa.
Ayon sa punong ehekutibo, mahalaga na maibigay agad ang pangangailangan ng mga biktima ng lindol partikular na ang pansamantala nilang tirahan, mga pagkain at seguridad.
Kasunod narin ito ng hiling ng mga residente na magkaroon sila ng libreng mga tent, malinis na tubig na maiinom, pagkain at gamot dahil takot parin ang mga ito na umuwi sa kani-kanilang tirahan dahil narin sa nararanasan pang mga aftershock.
Dahil dito, nananatiling kanselado ang klase sa mga paaralan dahil kailangan munang matiyak ang kaligtasan sa mga eskwelahan bago pabalikin sa normal na klase ang mga estudyante.
Bukod pa dito pinababalik narin ng pangulo ang suplay ng kuryente sa mga lugar na napektuhan ng lindol para makabawas sa hirap na nararanasan ng mga residente at ahensya ng pamahalaan na nagsasagawa ng tulong at iba pang operasyon.
Iniutos narin ni PBBM ang pag-iinspeksiyon sa mga nasirang kalsada at gusali upang maiwasan ang abala sa paghahatid ng tulong.
Pinawi din ng pangulo ang pangamba ng mga residente at iginiit na nakahanda ang mga ahensya sa pagbibigay ng tulong sa mga apektado ng lindol at iba pang kalamidad sa bansa.