Sa inauguration ng Balbalungao Small Reservoir Irrigation Project (BSRIP) sa Lupao, Nueva Ecija nitong December 13, 2023, inutusan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA) at ang National Irrigation Administration (NIA) na tapusin agad ang pagtatatag ng irrigation facilities at iba pang supporting structures nito.
Ayon kay Pangulong Marcos, kailangang makumpleto ang lahat ng water-related projects hanggang sa April 2024 bilang paghahanda sa epekto ng El Niño.
Tumutukoy ang irigasyon sa pagsusuplay ng kontroladong dami ng tubig sa lupa na makatutulong sa paglago ng mga pananim. For over 5,000 years, itinuring na itong mahalagang aspeto ng agrikultura.
Noong una, ginawa ang BSRIP upang palakasin ang produksyon ng palay sa Nueva Ecija na kilala rin bilang Rice Bowl of the Philippines. Pero ngayon, mahalaga na rin ito upang mapigilan ang paglala ng epekto ng El Niño.
Tinatayang aabot sa 562 farmers ang matutulungan ng BSRIP. Kaya naman upang lubusang mapakinabangan, iniutos ni Pangulong Marcos sa DA at NIA ang maagang pagtapos sa iba pang facilities ng naturang proyekto, gaya ng hydropower at watershed components.
Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), 65 na probinsya sa buong bansa ang posibleng makaranas ng drought. Maituturing na drought kung nabawasan ang average rainfall sa lugar ng more than 60% sa tatlong magkakasunod na buwan.
Anim na probinsya naman ang maaaring magkaroon ng dry spell. Ito ang kondisyon kung saan nabawawasan ng 21% to 60% ang pag-ulan sa tatlong magkakasunod na buwan.
Dahil sa paghina ng ulan dulot ng El Niño, hindi na dapat umasa dito ang mga magsasaka. Upang tiyakin ang patuloy na paggalaw sa sektor ng agrikultura, kailangan ang tamang paggamit ng irrigation system. Sa wastong paggamit ng irigasyon, makakatipid ang mga magsasaka sa tubig na siyang titiyak sa tuloy-tuloy na supply ng pagkain.
Ayon kay Pangulong Marcos, nakapag-generate na ang pamahalaan ng 25,000 hectares ng new irrigation areas. By 2028, target nilang makapagpatayo pa ng higit sa 275,000 hectares ng bagong irrigation areas at makapag-restore ng 80,000 hectares ng existing irrigation areas.
Sinisikap ng administrasyon na gawin ang lahat upang mapaghandaan ang tagtuyot, pero panawagan ni Pangulong Marcos, dapat pa rin makipagtulungan dito ang bawat Pilipino.