“To build better and more.”
Ito ang pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa taong 2024.
Para kay Pangulong Marcos, paghahanda ang “hard-fought” gains o mga tagumpay noong 2023 sa anumang kahirapang maidudulot ng bagong taon.
Isa sa mga ibinida ni Pangulong Marcos ang pagtatatag ng karagdagang 33 specialty centers sa bansa. Alinsunod ito sa nilagdaan niyang Republic Act No. 11959 o Regional Specialty Centers Act na may layong magpatayo ng mas maraming specialty centers sa iba’t ibang rehiyon upang magkaroon ng abot-kaya at accessible specialized medical services ang mga Pilipino saanmang sulok ng bansa.
Sa ilalim ng administrasyong Marcos, naipatayo rin ang mahigit 2,000 classrooms, 7 cold chain facilities, at 8 water supply projects. Mayroon namang 147 water projects na planong itatag para sa 2024. Matatandaang bilang paghahanda sa epekto ng El Niño phenomenon na posibleng umabot hanggang sa second quarter ng taon, planong pataasin ng pamahalaan at ng iba pang sektor ang water capacity sa bansa. Sa ganitong paraan, mabibigyan pa rin ng sapat na supply ng tubig ang agriculture, industrial, at healthcare sectors.
Sa industriya naman ng renewable energy, ipinagmalaki ng Pangulo ang investments mula sa renewable energy contracts na may total potential capacity na 121,000 megawatts.
Samantala, tiniyak naman ni Pangulong Marcos na ipagpapatuloy ng administrasyon ang pagbibigay ng assistance sa lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng iba’t ibang programa ng pamahalaan. Kabilang sa mga ito ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) program ng Department of Health (DOH).
Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos ang mga Pilipino sa kanilang tiwala at kumpiyansa sa pamahalaan. Muling binigyang-diin ng Pangulo ang pangako ng administrasyon niyang magbigay ng mabilis at mahusay na serbisyo para sa lahat.
Para sa kanya, New Year’s Resolution ng pamahalaan ang patuloy na pagbibigay ng dekalidad na serbisyo upang mas umunlad ang buhay ng lahat sa 2024. Paalala niya, “Let us not forget that great things are always possible–so long as we keep the faith in each other, in our nation, and in God. And as long as values that bind us keep us united in our collective pursuit of shared progress, we will succeed.”