Lubos na hinangaan sa social media ang naging hakbang ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na ipatanggal ang floating barrier o bakod na inilagay ng China sa Scarborough Shoal.
Ano ba ang epekto ng inilagay na floating barrier sa mga mangingisda?
Tara, suriin natin yan.
September 25, 2023 Inanunsyo ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagsagawa sila ng special operation na tanggalin ang 300-meter floating barrier sa entrance ng Bajo de Masinloc o mas kilala bilang Scarborough Shoal. Pagtugon ito sa utos ni Pangulong Marcos Jr. na idinaan sa chairman ng National Task Force for the West Philippine Sea na si Secretary Eduardo Año.
Nagmistulang nakaharang na bakod para hindi makapasok ang mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal ang inilagay na floating barrier ng China. Ayon kay PCG Commodore na si Jay Tarriela, aligned sa international law at sovereignty ng Pilipinas sa Scarborough Shoal ang isinigawang aksyon ng Coast Guard.
Ayon kay Tarriela, naging panganib sa paglalayag ang inilagay na floating barrier. Based sa 2016 Arbitral Award, traditional fishing ground ng Pilipinong mangingisda at parte ng teritoryo ng Pilipinas ang Scarborough Shoal. Aniya, anumang paghadlang sa kabuhayan ng mga mangingisda natin ay paglabag sa international law.
Ayon kay Secretary Año, final at legally binding ang ibinigay na unanimous award ng Permanent Court of Arbitration sa Pilipinas noong July 12, 2016 kahit hindi ito tinanggap ng China.
Pangako ni Secretary Año, gagawin nila ang lahat ng appropriate actions para maprotektahan ang karapatan ng mga mangingisdang Pilipino sa nasabing lugar.
Matatandaang sa ginanap na 43rd Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit noong September 5, 2023, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang intervention na committed ang Pilipinas na makipagtulungan na maisulong ang freedom sa navigation at overflight sa South China Sea. Ito ay base sa international laws, kasama na ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea.
Sea of peace, stability, and prosperity ang vision ni Pangulong Marcos Jr. para sa South China Sea. Distant reality pa man ito, siniguro niyang gagawin ng administrasyon niya ang lahat para mapayapang masolusyunan ang isyu sa China nang hindi sinusuko ang karapatan sa West Philippine Sea.
Ikaw, ano ang masasabi mo sa inilagay na bakod ng China sa Scarborough Shoal?