Sa ginanap na welcoming at awarding ceremony para sa medalists ng 19th Asian Games noong October 25, 2023, nagbigay-pugay si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. hindi lang sa mga atleta, pati na rin sa kanilang mga pamilya at coaches na malaki ang sinakripisyo para maiuwi ang pinapangarap na medalya para sa bansa.
Dito, sinabi ng Pangulo na pinahahalagahan ng kanyang administrasyon ang malaking impluwensya ng sports sa pagpapaunlad ng Pilipinas. Dahil dito, nangako siyang patuloy niyang susuportahan ang mga programa at initiatives na magsusulong sa sports development ng bansa. Ito ay sa pamamagitan ng Five-Year Sports Development Plan.
Nais ni Pangulong Marcos Jr. na ipagpatuloy pa ang suporta ng pamahalaan sa pagpapalakas ng mga atletang Pilipino kaya naman ipapatupad ng Philippine Sports Commission (PSC) ang Five-Year Sports Development Plan para sa taong 2023 hanggang sa 2028.
Layon ng Sports Development Plan na tugunan ang long-standing concerns ng mga Pilipinong atleta sa pamamagitan ng panghihikayat sa lahat ng antas ng gobyerno at pribadong sektor na makilahok sa pagpapaunlad ng sports sa bansa. Aayusin ng pamahalaan ang sports facilities ng state universities and colleges at makikipag-ugnayan din sa private sectors na magpatayo ng basketball courts, gyms, and other sports facilities sa public schools.
Sa katunayan, kasalukuyang dine-develop ng administrasyong Marcos ang New Clark City bilang sports hub ng Pilipinas. Dito, magagamit ng mga atleta nang libre ang training facilities sa New Clark City Athletics Stadium at Aquatics Center. Bukod dito, itinatag din ng pamahalaan ang National Academy of Sports para mapalakas ang athletic skills and talents ng mga estudyante sa pamamagitan ng secondary education program. Ang Academy and the Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ang magpapatakbo at magfa-facilitate nito para matiyak ang makukuhang benepisyo ng mga atleta.
Hindi lang diyan magtatapos ang ibibigay na tulong at suporta ni Pangulong Marcos Jr. Maging ang injury na nakuha mula sa training at kompetisyon, gagawan ng paraan ng Pangulo. Inatasan na niya ang PSC na makipag-ugnayan sa PAGCOR at iba pang ahensya para mas palakasin ang Medical Scientific Athlete Services Unit ng bansa.
Mensahe ni Pangulong Marcos Jr. para sa mga atletang Pilipino, “Keep aspiring, keep believing, keep working.” Sa mga pagsisikap ng administrasyong Marcos na paunlarin ang sports sa bansa, makakaasa ang mga atletang Pinoy na nariyan ang pamahalaan upang matulungan silang makamit ang kanilang tagumpay.