Halos isang buwan matapos itong ipatupad, ipinatigil na ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang pagkakaroon ng price cap sa bigas.
Noong September 5, 2023 nagkaroon ng temporary price ceiling sa bigas bisa ng Executive Order no. 39 matapos itong irekomenda ng Department of Agriculture at Department of Trade and Industry o DTI. Sa mandatong ito, nakasaad na 41 pesos per kilo ang price cap sa regular-milled rice, samantalang 45 pesos per kilo naman sa well-milled rice.
Ayon sa Department of Agriculture, mas malaki ang ani ng mga magsasaka ngayong 2023 kumpara noong nakaraang taon kaya kasalukuyang may sapat na supply ng bigas ang bansa. Isa ang panahon ng anihan sa dahilan kung bakit ipinatanggal na ang price ceiling sa bigas.
Matatandaan ding viral sa social media ang pag-anunsyo ni Pangulong Marcos Jr. ng paggamit ng kamay na bakal laban sa mga nananabotahe ng ekonomiya gaya ng smugglers at hoarders. Sa pagpaspas ng Senate Bill no. 2432 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, papatawan ng mas mabigat na parusa ang smugglers at hoarders.
Bukod dito, nitong September 25, 2023 lang, ipinatigil din ni Pangulong Marcos Jr. ang paniningil ng kahit anong toll fees at pass-through fees sa lahat ng mga sasakyang may dalang produkto, kabilang na ang bigas. Dahil dito, inaasahan ng DTI na bababa ang presyo ng mga bilihin. At sa pagbaba ng presyo ng bilihin, hindi na kinakailangang pang magkaroon ng price cap.
Pero ayon sa Pangulo, hindi ibig sabihin nito na ganoon na lang ‘yon dahil kailangan pa ring ayusin ang agriculture sector ng bansa. Tiniyak naman niya na tuloy pa rin ang pamimigay ng ayuda sa mga magsasaka at mga mahihirap na Pilipino.
Matatandaang naging usap-usapan sa social media ang Rice Farmers Financial Assistance Program ng kasalukuyang administrasyon. Sa ilalim ng nasabing programa, tatanggap ang higit sa 2.3 milyong magsasaka ng 5,000 pesos na ayuda.
Galing ang pondong ito sa mga nakolektang buwis sa imported na bigas noong 2022 na aabot ng 12.7-billion pesos. Ayon kay Pangulong Marcos Jr., ang cash assistance mula sa nakolektang buwis ay gagamitin para matulungan ang mga maliliit na magsasaka na mapataas ang produksyon ng palay.
Siniguro rin ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na ipagpapatuloy pa rin ang Food Stamp Program na pormal na inilunsad noong September 29, 2023.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., nais ng administrasyon niyang labanan ang kagutuman sa bansa, and at the same time, masiguro na makakakuha ng sapat na nutrisyon ang mga makikinabang sa nasabing programa.
Kahit ipinatanggal na ang price cap sa bigas, sinisiguro ni Pangulong Marcos Jr. na hindi pa rin mawawala ang suporta at tulong niya, lalo na sa mga lubos na nangangailangan.