“In the period since his election in 2022, President Marcos has emerged as one of the most interesting, influential, closely watched leaders in Southeast Asia.”
Ganito inilarawan ni Lowy Institute Executive Director Dr. Michael Fullilove si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang bumisita ito sa Melbourne, Australia noong March 4.
Ang Lowy Institute ay isang independent think tank ng Australia na nagsasagawa ng research hinggil sa international, political, strategic, at economic issues.
Tumutukoy ang think tank sa grupo ng mga eksperto na nagsasama-sama sa isang organisasyon upang pagsikapang maresolba ang iba’t ibang isyu.
Ayon kay Dr. Fullilove, patunay ang naging talumpati ni Pangulong Marcos sa Australian Parliament sa napakahalagang papel nito bilang regional leader sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Matatandaang gumawa ng kasaysayan si Pangulong Marcos bilang pinakaunang presidente ng Pilipinas na humarap sa Australian Parliament noong February 29 sa Canberra.
Dagdag pa ng Australian think tank leader, maraming naging pagbabago sa Pilipinas sa nakalipas na 18 buwan, partikular na sa pagiging mas determinado nitong depensahan ang sariling soberanya.
Ayon kay Pangulong Marcos, patuloy na pinapalakas ng pamahalaan ang kakayahan ng bansang ipagtanggol ang teritoryo nito. Aniya, kasalukuyang inu-upgrade ang capabilities ng Philippine Coast Guard (PCG) at patuloy na isinusulong ang modernisasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kaugnay nito, inaprubahan din ngayong taon ang Re-Horizon 3, ang updated acquisition plan ng AFP. Alinsunod ito sa Comprehensive Archipelagic Defense Concept ng bansa.
Pagbibigay-diin ng Pangulo, dapat matiyak na magagamit ng mga Pilipino nang mapayapa at walang hadlang ang mga likas na yaman na matatagpuan sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa, base sa international law.