Iniulat ng Local Water Utilities Administration (LWUA) noong January 16, 2024 na higit sa P1 billion na halaga ng water and sanitation infrastructure projects ang nakumpleto noong nakaraang taon sa ilalim ng Patubig sa Buong Bayan sa Mamamayan (PBBM) program.
Alinsunod ang PBBM program sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabigyan ng sapat na tubig ang mga Pilipino.
Nais ng Pangulo na matiyak ang water security sa Pilipinas. Tumutukoy ang water security sa kapasidad ng bansa na magkaroon ng sapat at dekalidad na tubig para sa lahat. Layon nitong na ma-maximize ang paggamit ng tubig, kasabay sa paglimita ng mga panganib at pagkasira nito sa kalikasan.
Upang makamit ang pagkakaroon ng water security, inilunsad ng LWUA ang PBBM program kasama ang lahat ng water districts.
Layon ng PBBM program na tiyakin ang pagkakaroon ng efficient, sustainable, at uninterrupted water service sa buong bansa.
Ayon kay LWUA administrator Vicente Homer Revil, 8 water projects ang natapos nila sa taong 2023. Napakikinabangan na ito ng higit sa 22.3 million Filipinos.
Iniulat din ni Atty. Revil na 700 water supply projects ang na-bid out o nasa implementation phase, samantalang 40 sanitation projects ang nasa pipeline o kasalukuyang binubuo.
Bilang paghahanda naman sa epekto ng El Niño phenomenon, inatasan na ng LWUA ang lahat ng local water districts na magkaroon ng water supply inventory. Binigyan na rin ng direktiba ang water districts na bawasan ang pag-aaksaya ng tubig o non-revenue water nang hindi hihigit sa 20%. Dagdag pa ni Atty. Revil, kasalukuyang isinasagawa rin ang conservation measures at information drive upang mabawasan ang masamang epekto ng tagtuyot.
Hangad ni Pangulong Marcos na mabigyan ng sapat na tubig ang lahat ng mga sektor, probinsya, munisipyo, siyudad, at barangay sa buong bansa. Upang makamit ito, hindi lang pamahalaan, kundi pati rin tayong mga mamamayan, ang may trabahong pangalagaan at tipirin ang tubig. Sabi nga ni Pangulong Marcos, “Ang tubig ay kasing-halaga rin ng pagkain. Kailangan nating tiyakin na may sapat at malinis na tubig para sa lahat at sa mga susunod na salinlahi.”