Sapat na ang pananahimik ni Pangulong Bongbong Marcos bilang katibayan na hindi ito ang nagsusulong ng panukalang Maharlika Investment Fund.
Ito ang inihayag ni Senate Minority Leader Koko Pimentel makaraang igiit na maaaring hindi si Pangulong Marcos ang nasa likod ng isinusulong sa kamara na Maharlika o Sovereign Wealth Fund (SWF).
Ayon kay Pimentel, kung ang Punong Ehekutibo ang may kagustuhan nito, mayroon siyang gagawin upang maisulong at maisabatas ito.
Magugunitang isinulong nina House Speaker Martin Romualdez at Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos, na pinsan at anak ng pangulo, ang paglikha ng Maharlika Investment Fund o SWF.
Umalma naman sa panukala ang presidential sister na si Senator Imee Marcos na nagsabing hindi pinag-isipang maigi ang panukala at malalagay nito sa panganib ang pension funds ng mga miyembro ng Social Security System at Government Service Insurance System.
Una nang inihayag ni Albay Rep. Joey Salceda na utos ni Pangulong Marcos ang pagsusulong na lumikha ng Maharlika Investment Fund.