Tila “undecided” pa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung ibabalik o hindi ang parusang kamatayan.
Sa isang taped interview na ipinalabas sa kanyang 65th birthday kahapon, inamin ni Pangulong Marcos na isang mabigat na issue ang death penalty dahil mayroong practical at moral issue na bumabalot dito.
Isa anya sa mga dapat mabatid ay kung may karapatan ba ang lipunan na kumitil ng sarili nitong mamamayan.
Ayon kay PBBM, dapat ding maglabas ng datos hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa, na napipigilan ng death penalty ang sinuman na gumawa ng mga karumal-dumal na krimen.
Sa issue naman ng War on Drugs, nilinaw ng Pangulo na nais muna niyang ma-plantsa ang lahat ng polisiya kaya’t hindi niya masyadong binabanggit ang issue sa publiko.
Naniniwala ang punong ehekutibo na bagaman isang internal matter ang War on Drugs, magpapatuloy ito pero sa iba at bagong paraan bagay na binabalangkas pa ng kanyang administrasyon.