Matatandaang viral sa social media ang pagtutol ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na pababain ang taripa o buwis na ipinapatong sa imported na bigas. Ngayon, may good news ulit kami dahil kamakailan lang, inaprubahan ni Pangulong Marcos Jr. ang paglalabas ng pondo para sa Rice Farmers Financial Assistance Program (RFFA).
Ano ang Rice Farmers Financial Assistance Program?
Sa bisa ng Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law na nilagdaan ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte noong February 14, 2019, kasalukuyang minimum 35% na buwis ang ipinapatong sa imported rice. Iminungkahi naman ng Department of Finance na pababain ang buwis ng imported rice to 0% or maximum 10% para masolusyunan ang mabilis na pagtaas ng presyo ng bigas.
Hindi pumayag dito si Pangulong Marcos Jr. dahil masama ang epekto nito sa mga magsasaka. Giit niya, rice importers lang ang makikinabang sa pagpapababa ng taripa at hindi ang mga magsasakang Pilipino dahil posibleng mas piliin na lang ng retailers na mag-import kaysa bumili sa mga magsasaka.
Ayon sa Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG na si Rosendo So, pabor na pabor para sa mga magsasaka ang naging desisyon ni Pangulong Marcos Jr. na ibasura ang panukalang pababain ang taripa.
Aniya, hangad nilang mapunta sa mga magsasaka ang makokolektang taripa sa imported rice. At ngayon nga, tutuparin ito ni Pangulong Marcos Jr.
Sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance Program, tatanggap ang higit sa 2.3 milyong magsasaka ng 5,000 pesos na ayuda.
Galing ang pondong ito sa mga nakolektang taripa sa imported na bigas noong 2022 na aabot ng 12.7-billion pesos. Ayon kay Pangulong Marcos Jr., gagamitin ang cash assistance mula sa nakolektang taripa para matulungan ang mga maliliit na magsasaka na mapataas ang produksyon ng palay.
2.3 milyong magsasaka na nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ang makakatanggap ng cash assistance ayon sa nasabing programa. Kasama dito ang farmers cooperatives associations (FCAs), irrigators associations (IAs), agrarian reform beneficiaries organizations (ARBOs), small water impounding systems associations (SWISAs), at iba pang farm groups.
Bukod sa Rice Farmers Financial Assistance Program, inaprubahan din ni Pangulong Marcos Jr. ang paggamit ng excess tariff collections na aabot ng 700-million pesos para sa Palayamanan Plus. Layunin ng programang ito na matulungan ang RSBSA-registered farmers na nakalista rin sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sa Palayamanan Plus program naman, nasa 78,000 beneficiaries ang makikinabang sa cash assistance na 10,000 pesos.
Mula sa pagtutol na pababain ang taripa sa imported na bigas hanggang sa pamimigay ng nakolektang taripa direkta sa mga magsasaka, pati na rin sa pagpapataas ng buying price ng palay, masasabing sinisikap ni Pangulong Marcos Jr. na gawing pro-farmer government ang Pilipinas.