Matatandaang nag-viral sa social media ang pormal na paglulunsad ng Walang Gutom 2027: Food Stamp Program ng administrasyong Marcos sa Dapa, Surigao del Norte noong September 29, 2023.
Ayon kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., layon niyang labanan ang kagutuman sa bansa at masiguro na nakakakuha ng sapat na nutrisyon ang mga Pilipino.
Ngayon naman, balak ng Pangulo na mas palakasin at palawakin ang Food Stamp Program para mas dumami ang maging benepisyaryo nito.
Ibinaba ni Pangulong Marcos Jr. ang Executive Order No. 44 noong October 12, 2023 na nagdedeklara sa Food Stamp Program bilang flagship program ng pamahalaan para labanan ang kagutuman sa bansa.
Sa ngayon, nasa pilot implementation phase pa lang ang ipinapatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na aabot hanggang May 2024. Maaalalang July 18, 2023 isinagawa ang pinakaunang pilot implementation ng Food Stamp Program sa Tondo, Manila na pinangunahan ni Pangulong Marcos Jr.
Sa pilot implementation, target nitong matulungan ang 3,000 families sa limang pilot sites: Tondo, Manila; Dapa, Siargao; San Mariano, Isabela; Garchitorena, Camarines Sur; at Parang, Maguindanao.
Ayon kay Social Welfare Undersecretary Edu Punay, mangyayari ang pag-aaral para sa mas pinalawak na implementasyon ng nasabing programa sa May at June 2024. By July, magaganap ang full rollout nito na may target na 300,000 beneficiaries sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Tiniyak naman ng Department of Budget and Management (DBM) na magkakaroon ng working budget ang DSWD na aabot sa 6 billion pesos para sa pagpapalawak ng Food Stamp Program.
Investment ng administrasyong Marcos ang Food Stamp Program dahil mabibigyan nito ng sapat na nutrisyon ang mga nagugutom na Pilipino. Kapag may sapat na enerhiya na sila, maaari na silang makapagtrabaho. Sa katunayan, required na mag-enroll sa mga programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang beneficiaries ng Food Stamp Program.
Sa ilalim ng Food Stamp Program, makakatanggap ng Electronic Benefit Transfer (EBT) Cards na may lamang 3,000 pesos ang itinuturing na food-poor families. Sila ang mga nasa lowest income bracket na may buwanang sahod na mas mababa pa sa 8,000 pesos.
Ayon kay Social Welfare secretary Rex Gatchalian, higit sa one million food-poor families ang target maging beneficiaries ng Food Stamp Program bago mag-2027. Maaaring gamitin ang EBT cards para makabili ng prutas, gulay, karne, at bigas sa DSWD-accredited partner retailers.
Maganda ang Food Stamp Program dahil hindi lang ito panandaliang solusyon para malabanan ang kagutuman. Hinihikayat nito ang mga benepisyaryo na maghanap ng trabaho para magkaroon din sila ng sariling kakayahan na makapagbigay ng pagkain sa kanilang pamilya. Ayon nga sa kasabihan, “Give a hungry man a fish, you feed him for a day. Teach him how to fish, you feed him for a lifetime.”