Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na naging magandang taon ang 2023 para sa mga magsasaka, dalawang linggo matapos ipasa ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang pwesto ng pagiging kalihim ng Department of Agriculture kay Secretary kay Francisco Tiu Laurel Jr.
Matatandaang bilang dating Secretary of Agriculture, maraming naging programa at inisyatibo si Pangulong Marcos na nagpalakas sa produksyon ng palay. Kabilang na sa mga lubos na natulungan ang mga magsasaka mula sa Nueva Ecija na tuwang-tuwa sa masaganang ani ngayong wet season.
Ayon sa chairman ng Binabuyan Farmers’ Association na si Fernando Salvador mula sa Barangay Pinili, San Jose City, Nueva Ecija, nakaani sila ng mahigit isandaang kaban kada ektarya na mas marami kumpara sa mga nakaraang taon. Iniugnay ni Salvador at ng kanyang mga kapwa magsasaka ang kanilang masaganang ani sa tulong ni Pangulong Marcos.
Matatandaang noong September 18, 2023, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang National Food Authority (NFA) council meeting para i-set ang bagong price range ng palay. Mabibili na ang dry palay ng 19 to 23 pesos per kilo at ang fresh palay ng 16 to 19 pesos per kilo. Ayon nga kay Salvador, naibenta niya ang kanyang palay ng 20 pesos per kilo.
Itinaas din ang farmgate price ng palay na ipinapabili sa NFA, na siya namang ibebenta nang mura sa merkado.
Bukod sa bagong buying price ng palay na nagpataas sa kita ng mga magsasaka, malaki rin ang naging tulong ng pamimigay ng libreng rice seeds, fertilizers, at technical support mula sa DA.
Dahil dito, nagpahayag ng matinding pasasalamat ang mga miyembro ng Binabuyan Farmers’ Association sa walang sawang pagsisikap ni Pangulong Marcos na tulungan silang mga magsasaka.
Tiniyak naman ni Secretary Laurel bilang bagong kalihim ng DA na ipagpapatuloy nila ang mga nasimulang pro-farmer policies ni Pangulong Marcos sa naturang ahensya. Tututukan din ng DA ang kahilingan ng Pangulo na palakasin ang lokal na produksyon ng bigas at iba pang mga produkto sa pamamagitan ng modernization, improved logistics, at unti-unting pagtanggal ng middlemen.
Sa mga suporta at tulong na ibinigay ni Pangulong Marcos direkta sa mga magsasaka, makikita ang magandang resulta sa sektor ng agrikultura. At kapag tuluyan nang lumago ang sektor ng agrikultura, hindi na natin kakailanganin pang umasa sa import. Utos nga ng Pangulo sa bagong agriculture chief, isulong ang pro-production na bansa, hindi ang pro-importation.