Ipinanawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga financial institutions ng pamahalaan at pribadong bangko na tulungan ang administrasyon na mapagtagumpayan ang mga housing program nito para sa mahihirap na Pilipino.
Hiniling ito ng pangulo upang malutas ang tinatayang 6.5 million housing backlogs na nais nitong matapos pagsapit ng 2028.
Inilahad naman ni PBBM ang mga hakbang na maaaring gawin para malutas ang backlogs sa pagpupulong kasama si Secretary Jose Acuzar ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Bangko Sentral ng Pilippinas (BSP) Governor Felipe Medalla at mga pinuno ng Bureau of Treasury, Pag-IBIG, Government Service Insurance System (GSIS), Philippine National Bank (PNB) at Landbank of the Philippines (LBP).
Ayon sa punong ehekutibo, dapat na mayroong sistema para matiyak na matutustusan ang housing projects at magkaroon ng insentibo sa mga pribadong bangko na tutulong sa pagfi-finance ng mga proyektong pabahay.
Nagpahayag naman ng suporta at nangakong tutulong ang ilang mga kinatawan ng pribadong bangko na dumalo sa pagpupulong kabilang ang Banco de Oro (BDO), Metrobank, Union Bank, Ayala Corporation at China Bank. – sa panulat ni Hannah Oledan