Upang matiyak ang kahandaan ng Pilipinas sa epekto ng El Niño phenomenon, muling binuhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Task Force El Niño sa bisa ng Executive Order No. 53.
Ayon sa recent monitoring ng Department of Science and Technology- Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA), lumabas na ganap nang El Niño ang warm sea surface temperature sa central at eastern tropical Pacific mula July 2023 at inaasahang tatagal hanggang sa second quarter ng 2024.
Upang masiguro ang patuloy at sapat na supply ng pagkain, tubig, at enerhiya sa gitna ng tagtuyot, muling binuo ni Pangulong Marcos ang Task Force El Niño nitong January 19, 2024 sa ilalim ng Office of the President.
Pangungunahan ng secretary ng Department of National Defense (DND) ang Task Force El Niño bilang chairperson. Magsisilbi namang co-chair ang kalihim ng DOST.
Kabilang sa mga miyembro ng Task Force ang mga kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Agriculture (DA), Department of Health (DOH), at National Economic and Development Authority (NEDA).
Magbibigay naman ng administrative at technical support sa Task Force ang Office of Civil Defense.
Binigyan ng mandato ang Task Force El Niño na i-revise at i-update ang Strategic El Niño National Action Plan na nakatutok sa water security, food security, power security, health, at public safety.
Sila rin ang magbabantay sa pagpapatupad ng short at long-term solutions and programs at makikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya upang matiyak ang agarang pagkumpleto sa water infrastructure projects bago matapos ang April 2024.
Dagdag pa rito, makikipagtulungan ang Task Force sa Presidential Communications Office (PCO) para sa malawakang information campaign; pati na rin sa DOST para sa pagtatatag ng El Niño Online Platform na magbibigay ng mga datos at impormasyon tungkol sa El Niño.
Itinuturing ang Pilipinas bilang isa sa most vulnerable countries sa Asya pagdating sa epekto ng El Niño, ngunit posible itong maiwasan dahil sa mga ginagawang aksyon ng administrasyong Marcos. Sa muling pagbuo sa Task Force El Niño, mas mapaghahandaan na ng bansa ang anumang masamang epekto ng tagtuyot.