Nagbigay-pugay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga sundalong nagbuwis ng kanilang buhay habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Sa kanyang state visit sa Canberra, Australia noong February 29, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang wreath-laying ceremony sa Australian War Memorial, kasama si First Lady Liza Araneta-Marcos.
Ayon kay Pangulong Marcos, kinikilala ng Pilipinas ang legacy ng mga sundalo ng Australia sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kapayapaan at pagtitiyak na mabubuhay nang ligtas ang mga susunod na henerasyon, malayo sa kahit anong kaguluhan.
Ilan sa mga sundalo ng Australia ay nauna nang nakipaglaban at naging kaalyado ng Pilipinas sa pagtatanggol ng kalayaan.
Kinilala rin ni Pangulong Marcos ang pag-aalok ng Australia ng temporary refuge para sa mga Pilipino noong panahon ng digmaan.
Bilang magkaalyadong bansa, aktibong nakikibahagi ang Pilipinas at Australia sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon.
Ngunit ngayong may nagbabanta muli rito, nanawagan si Pangulong Marcos na dapat magtulungan at protektahan ang kapayapaang ipinaglaban noong digmaan.