Inilabas na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 64 na magpapataas sa sahod at magbibigay ng karagdagang benepisyo para sa mga kawani ng pamahalaan.
Pagtupad ito sa naging pangako ni Pangulong Marcos sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA).
Nakasaad sa nilagdaang EO 64 ang updated na pasahod sa lahat ng civilian government personnel na nakatalaga sa Executive, Legislative, at Judicial Branches; Constitutional Commissions; at iba pang Constitutional Offices.
Makikinabang din sa naturang kautusan ang mga nagtatrabaho sa Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs) na hindi saklaw ng Republic Act No. 10149 o Governance Act of 2011
Dagdag pa rito, makatatanggap ang mga kwalipikadong empleyado ng pamahalaan ng medical allowance na P7,000 kada taon.