Nagpaabot ng pakikiisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sa lahat ng Pilipino sa loob at labas ng bansa sa pagdiriwang ng bagong taon.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagkakataong ito upang matuto mula sa nakaraan at gamitin ang mga aral para sa patuloy na pag-unlad ng bawat isa.
Tinukoy ng presidente ang mga pagsubok na hinarap ng bansa nitong nakaraang taon, kabilang na ang mga kalamidad na aniya’y nakaapekto sa maraming komunidad.
Gayunpaman, pinuri ni PBBM ang katatagan ng mga pilipino at ang diwa ng bayanihan na anya’y naging daan upang malampasan ang mga ito.
Giit ni Pangulong Marcos, sa kabila ng mga hamon ay ipinakita ng ating mga kababayan ang hindi matatawarang lakas na dulot ng pagkakaisa at pagtutulungan na aniya’y nagsilbing inspirasyon sa ating patuloy na pagbangon.
Sa pagsalubong sa taong 2025, nagpahayag ang Presidente ng kanyang panibagong pag-asa at kumpiyansa lalo pa’t ang ating mga karanasan aniya ang gagabay sa atin tungo sa pagbuo ng isang kinabukasang puno ng pangako at layunin.
Kasabay nito, hinikayat din ni Pangulong Marcos ang lahat na patuloy na magkaisa, magtulungan, at ipakita ang diwa ng malasakit sa kapwa.- Sa panulat ni Kat Gonzales