Personal na inabot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang special financial assistance sa 12 sundalong sugatan sa pakikipaglaban sa Dawlah Islamiyah-Maute Group.
Maliban sa tulong pinansyal, binigyan din ni Pangulong Marcos ng iba’t ibang karangalan ang apat na sundalong wounded in action (WIA), kabilang na ang Gold Cross Medal, Military Merit Medal with Bronze Spearhead Device, at Wounded Personnel Medal.
Dito, kinilala ng Pangulo ang katapangan at dedikasyon nilang protektahan ang mga mamamayang Pilipino at ipagtanggol ang bansa laban sa mga banta sa seguridad.
Kasalukuyang naka-confine sa Army General Hospital (AGH) ang mga sugatang sundalong lumaban sa militanteng Dawlah Islamiyah-Maute Group. Matatandaang sangkot ang grupong ito sa pagbomba sa Mindanao State University-Marawi.
Samantala, tiniyak ni Pangulong Marcos na patuloy na pagsisikapan ng pamahalaan ang pagpapatupad sa mga programang magbibigay ng tulong sa mga nasawing sundalo, pati na rin ang pagsusulong sa kapakanan ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at kanilang mga pamilya.