Labis ang pasasalamat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay United Arab Emirates President Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan sa pagkakaloob ng pardon sa tatlong Pinoy na nahatulan sa nasabing bansa.
Nabatid na nakausap ni Pangulong Marcos sa telepono si Sheikh Mohamed at ipinaabot ang pasasalamat sa pagtugon sa kanyang apela.
Kasunod ito ng ibinalita ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. kay PBBM noong Huwebes hinggil sa ibinigay na pardon sa tatlong Pinoy makaraang matanggap ang mensahe mula kay UAE Ambassador to the Philippines Mohamed Obaid Salem Alqataam Alzaabi.
Sinasabing ang dalawang Pinoy ay nasentensyahan ng kamatayan sa kasong drug trafficking habang ang isa naman ay nahatulang makulong ng 15 taon sa kasong slander.
Matatandaan na noong April 27, nagpadala ng liham si Marcos kay Sheikh Mohamed para hilingin na mabigyan ng humanitarian pardon ang tatlo.
Kaya naman sa pag-uusap ng dalawang lider, nagpasalamat din si Marcos kay Sheikh Mohamed sa pagbibigay ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Kung maaalala, nagpadala ang UAE kamakailan ng 50 tonelada ng food supplies at mga gamot sa mga Mayon evacuees.
Samantala, sa kanya namang panig, binanggit ni Sheikh Mohamed ang mahalagang kontribusyon sa UAE ng 600,000 Filipinos na nagtatrabaho doon.
Maliban dito, inulit din ni Sheikh Mohamed ang imbitasyon kay Marcos para dumalo sa 2023 United Nations Climate Change Conference sa Dubai sa Disyembre ngayong taon.