Pagod ka na bang pumila nang pakatagal-tagal para kumuha ng requirements? Sumasakit na ba ang kamay mo sa napakaraming dokumento na kailangang i-fill up at pirmahan? O sawa ka na rin ba sa napakabagal na proseso para lang makakuha ng serbisyo mula sa gobyerno? Ang mga ito ang nais tuldukan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa pamamagitan ng pagsusulong ng digitalization at e-governance sa bansa.
Sa ginanap na Philippine Mayors Forum sa Quezon City noong October 27, 2023, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na dapat nang tapusin ang napakabagal na proseso ng pangunahing serbisyo sa local government units (LGUs). Iginiit niya na dapat nang i-adapt ang makabagong teknolohiya sa pamamagitan ng pagsusulong ng digitalization at e-governance dahil mas mapapabilis nito ang iba’t ibang transaksyon sa mga serbisyo ng LGUs. Agad naman itong sinang-ayunan ng netizens.
Matatandaang sa ikaunang State of the Nation Address (SONA) noong July 25, 2022, inanunsyo ni Pangulong Marcos Jr. na priority ng kanyang administrasyon ang pag-modernisa sa iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan.
Sa katunayan, noong March 6, 2023, inaprubahan ng House of Representatives ang House Bill No. 7327 o E-Governance Act. Kaugnay nito, noong July 13, 2023, iprinesenta ng Department of Information and Communications Technology ang six priority projects ng ahensya sa ilalim ng e-governance. Kabilang dito ang eLGU.
Ang eLGU ay one-stop system kung saan pinagsama-sama ang lahat ng serbisyo ng lokal na pamahalaan gaya ng mga sumusunod:
- business permit licensing
- notice of violations
- notification system
- community tax
- health certificates
- local civil registry
- business tax
- real property tax
Ayon kay Chief of Staff for e-Government ng DICT na si TR Mon Gutierrez, layunin ng eLGU na mabigyan ang mga Pilipino ng comprehensive online platform na nagsisilbing centralized hub para sa LGU system automation and e-services. Tiyak na mapapabilis nito ang proseso sa iba’t ibang local government services dahil maiiwasan nito ang napakaraming forms at dokumento at mahabang linya na nakakaubos ng oras.
As of July 2023, humigit-kumulang 210 LGUs ang nagpatupad na ng Business Permits and Licensing System sa ilalim ng eLGU. Samantala, 450 ang ongoing at 82 ang nag-request para sa implementasyon nito.
Patuloy na hinihimok naman ni Pangulong Marcos Jr. ang LGUs na pag-aralan ang best practices ng ibang bansa na maaari rin nilang gawin sa kanilang mga nasasakupan. Nauungusan na ang Pilipinas ng maraming bansa pagdating sa makabagong teknolohiya kaya nais ng Pangulo na mapaunlad ang digital infrastructure ng bansa, para na rin sa ikagiginhawa ng mga Pilipino.