Nilagdaan ng Philippine business delegation ang isang investment agreement na nagkakahalaga ng mahigit $120 million kasama ang Saudi business leaders.
Ito’y matapos ang pagdalo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Association of Southeast Asian Nations-Gulf Cooperation Council (ASEAN-GCC) Summit sa Saudi Arabia.
Sa kanyang talumpati sa roundtable meeting kasama ang business community, sinabi ni Pangulong Marcos jr. na mahigit 15,000 Pilipino ang makikinabang sa $120 million-investment agreement sa mga tuntunin ng mga oportunidad sa trabaho sa industriya ng konstruksiyon.
Kinilala ni Pangulong Marcos Jr. ang mahahalagang kontribusyon ng mga kumpanyang nakibahagi sa pagsisikap na palakasin ang bilateral ties ng Pilipinas at Saudi Arabia, na nagsilbing tahanan ng mahigit isang milyong Filipino migrant workers.
Binanggit ni Pangulong Marcos jr. na napapanahon ang pagpupulong habang ang ekonomiya ng Pilipinas ay nagpapatuloy sa mataas na paglago nito na may gross domestic product sa 7.6% noong 2022, na siyang pinakamabilis na rate ng paglago na naitala mula noong 1976.
Tiniyak din ni Pangulong Marcos Jr. sa business community na ang Pilipinas ay mananatiling matatag sa kanilang pangako na patuloy na suportahan ang mga current prospective ng Saudi investors habang binibigyang-diin niya na ang gobyerno ng Pilipinas ay inamyendahan ng mga umiiral na batas upang higit na mabuksan ang ekonomiya nito sa mga foreign investment.
Kabilang sa mga inisyatiba ng gobyerno ay ang foreign Investments Act, Retail Trade Liberalization Act, Public Service Act, at Renewable Energy (RE) Act, na naglalayong makaakit ng mas maraming dayuhang mamumuhunan sa mahahalagang sektor ng bansa tulad ng telekomunikasyon, operasyon ng daungan, transportasyon, at malinis na enerhiya.