Pinaghahandaan na ng Filipino Community sa Singapore ang pagdating ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., sa a-6 hanggang a-7 ng Setyembre.
Ito’y kasunod ng imbitasyon ni Singaporean president Halimah Yaboc kay Pangulong Marcos para sa state visit upang mapalakas pa ang relasyon ng dalawang bansa.
Batay sa abiso ng Embahada ng Pilipinas, nakatakdang magsagawa ng meeting ang Pangulo sa University Cultural Centre Ho Bee Auditorium sa National University Singapore sa September 6.
Bubuksan naman ang gate dakong alas-2 ng hapon at isasara ito ng ala-5 ng hapon para sa main event na magsisimula ng ala-6 ng gabi.
Bago ang state visit sa Singapore, nakatakdang dumating ang Punong Ehekutibo sa Indonesia para sa state visit sa September 4 hanggang 6.