Sa isang groundbreaking move, naging pinakaunang head of state si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na nakiisa sa 2023 Singapore FinTech Festival (SFF) gamit ang hologram.
Nasa Amerika man para sa 2023 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit, dumalo pa rin si Pangulong Marcos sa pinakamalaking financial technology event sa Singapore kung saan idiniin ng kanyang virtual presence ang commitment ng Pilipinas sa digital innovation and transformation.
Tumutukoy ang fintech o financial technology sa paggamit ng teknolohiya upang gawing awktomatiko ang mga pampinansyal na serbisyo. Dahil sa fintech, mas napabibilis ang transaksyon at mas nagiging convenient ito para sa mga negosyante at konsyumer
Nagbibigay ng plataporma ang Singapore FinTech Festival sa higit 500 exhibitors mula sa 134 na bansa, kung saan mapag-uusapan ang pinakabagong trends, opportunities, at challenges sa financial technology.
Nakatuon ang nasabing festival ngayong taon sa pagbuo ng Artifical Intelligence (AI) at ang posibleng paggamit nito sa financial services industry.
Dito, binanggit ni Pangulong Marcos ang GoDigital Pilipinas na may layong i-promote ang universal access sa digital services. Ang GoDigital Pilipinas ay isang movement na pinangangasiwaan ng Private Sector Advisory Council.
Sentro ng nasabing kilusan ang UnionDigital Bank, ang digital arm ng UnionBank. Naka-focus ang bankong ito sa promotion ng financial inclusion sa pamamagitan ng AI-powered banking solutions.
Hinikayat din ng Pangulo ang foreign investors na makilahok sa fintech space ng Pilipinas kung saan sinabi niyang bukas sa kolaborasyon ang bansa. Binigyang-diin din niya ang kritikal na papel ng pakikipagtulungan sa domestic at international stakeholders upang maging isang digital innovation and entrepreneurship hub ang bansa.
Makikitang sinisikap ng administrasyong Marcos na isulong ang digitalization at fintech sa bansa. Matatandaang noong July 13, 2023, iprinesenta ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang six priority projects ng ahensya sa ilalim ng e-governance. Kabilang dito ang eGovPay, isang secured government payment gateway na available sa users ng digital payment systems, gaya ng online and typical banks, e-wallets, ecards, kiosks, at cash payment systems.
Ayon kay Chief of Staff for e-Government ng DICT na si TR Mon Gutierrez, tinutulungan ng eGovPay ang pamahalaan na pasimplehin ang payment process dahil makapagbibigay ito ng automated reports at transparency. Mas mababa rin ang gastos dito.
Dahil sa limitadong paggalaw noong kasagsagan ng pandemya, mas maraming sektor ang nag-adapt sa digitalization, kung saan mas maraming serbisyo at produkto ang inaalok online. Naging pundasyon nito ang fintech, na siyang nagbigay-daan sa paggalaw ng ekonomiya sa panahon ng new normal.
Malaki ang oportunidad na maaaring makuha ng bansa sa patuloy na pagsusulong ng fintech, kaya naman maganda ang naging hakbang ni Pangulong Marcos na hikayatin ang investors sa naturang industriya upang mas mapaunlad ang ekonomiya ng Pilipinas.