Nakiisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipinong Muslim na ipinagdiriwang ngayong araw, Hunyo 17, ang Eid’l Adha o Feast of Sacrifice.
Sa isang mensahe, hinikayat ni Pangulong Marcos ang lahat ng mamamayan na paunlarin ang karunungan at katatagan sa kabila ng mga hamon.
Ayon pa sa pangulo, isang natatanging pagkakataon ang Eid’l Adha upang pagnilayan ang buhay at kwento ni Ibrahim na mayroong matibay na pananampalataya at lubos na pagmamahal kay Allah, na siyang naging pangunahing birtud sa turo ng Islam.
Sa pamamagitan ng pagdepende sa Diyos at panalangin, hangad ni Pangulong Marcos na magkaroon ng kalinawan sa isipan at kabaitan sa puso ang mga Pilipino upang malagpasan ang mga pagsubok na humahadlang sa pagkamit ng tunay na kapayapaan.