Nakikiisa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa mga Pilipinong Katoliko sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno, ngayong araw, Enero 9.
Hangad ni Pangulong Marcos ang ligtas, makabuluhan at taimtim na pagdiriwang ng mga deboto ng kapistahan ni Nuestro Padre Señor Jesus De Nazareno.
Kasabay ng pagpapamalas anya ng mga mananampalataya ng kanilang debosyon sa Poong Nazareno, dapat alalahanin ang malalim na ugat ng ating kultura sa paggapi ng mga matitinding pagsubok at kapighatian.
Idinagdag ng Punong Ehekutibo na sa pamamagitan ng pananampalataya ay nalulupig natin ang anumang nagbabadyang unos upang magbigay-daan sa buhay na puno ng biyaya at katatagan.
Dapat din anyang magsilbing inspirasyon si Hesu Kristo at magsilbing sentro ng pag-ibig, pag-asa at kahabagan, lalo ngayong panahon ng kagipitan at kapighatian. —ulat mula kay Gilbert Perdez (Patrol 13)