Namahagi ng ayuda si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa mga residente ng Cavite na labis nasalanta ng bagyong Paeng.
Kasama ang Department of Social Welfare and Development at ilang provincial official sa pangunguna ni Governor Jonvic Remulla, nagtungo sa bayan ng Noveleta ang pangulo, kahapon.
Sa kanyang talumpati sa ceremonial distribution ng DSWD assistance, muling ipinunto ni PBMM ang kahalagahan ng pre-emptive evacuation upang mabawasan ang casualties sa kasagsagan ng mga kalamidad.
Bagaman hindi anya gaanong kalakasan ang hangin ng bagyong Paeng, sobrang ulan naman ang ibinuhos nito kaya’t hindi kinaya ng flood control at nagresulta sa pagkawasak ng ilang imprastraktura sa Cavite.
Sa kasalukuyan, nasa labingwalong libong katao ang nagsilikas sa nasabing lalawigan matapos magdulot ng pagbaha at pagguho ng isang river wall ang bagyo sa Ylang-ylang river.
Ang Ylang-ylang ang isa sa pinaka-mahabang ilog sa buong lalawigan.