Upang matuldukan na ang lumalalang traffic sa Metro Manila, nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na papaunlarin ang mga kalapit na probinsya.
Para kay Pangulong Marcos, “long-term solution” ito upang maresolba na ang isyu sa traffic.
Kasabay sa patuloy na paggawa ng mga imprastraktura katulad ng mga tulay, flyover, skyway, subway, at train system, patuloy naman ang pagdami ng populasyon at mga sasakyan.
Dahil siksikan na sa Metro Manila, nakikitang solusyon ni Pangulong Marcos ang development ng mga kalapit na probinsya at siyudad, kabilang na ang Bulacan at Pampanga sa North, at Cavite at Laguna sa South.
Pagbibigay-diin ni Pangulong Marcos, kailangan ng oras ang development projects sa labas ng Metro Manila. Posible man itong makadagdag pa sa congestion, ngunit mararamdaman din ng mga motorista at commuter ang mas maluwag na trapiko kapag matapos na ang mga naturang proyekto.
“Malaking proyektong itong mga ito, kaya naman dapat nating isipin na hindi bukas na natin mararamdaman ito dahil malaki talaga ang scale at kung minsan pa nga ay nakakaabala pa dun sa mga traffic ngayon. Kaya’t pag-tiyagaan niyo lang, pero pagka-nabuo na ‘yan, asahan ninyo gaganda ang sitwasyon natin,” saad ng pangulo.
Sa kabila ng mga plano at proyekto ng administrasyon upang mas gumanda ang sitwasyon ng traffic sa Metro Manila, kailangan pa rin ang kooperasyon ng bawat Bagong Pilipino. Kaya paghihimok ni Pangulong Marcos, maging disiplinado at makibahagi sa paglutas sa suliraning ito.