Hindi gagamit ng water cannon ang Pilipinas katulad ng ginagawa ng China Coast Guard (CCG) sa mga sasakyang-pandagat ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang ambush interview sa ginanap na Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs) Day.
Mayroong mga nagmumungkahi na lagyan ng water cannon ang mga barko ng pamahalaan, sakaling muling umatake ang CCG gamit ang naturang weapon.
Ngunit ayon kay Pangulong Marcos, hindi misyon ng PCG at Philippine Navy na magsimula o magpalala ng tensyon.
Aniya, “It is not the mission of Navy, our Coast Guard to start, or to increase tensions. Their mission is precisely the opposite, it’s to lower tensions.”
Nanindigan din ang pangulo na patuloy na ipagtatanggol ng Pilipinas ang soberanya at karapatan ng bansa sa diplomatikong paraan.
Sang-ayon naman ang ilang security analysts sa naging hakbang ni Pangulong Marcos dahil sa ganitong paraan, hindi makokompromiso ang 2016 Arbitral Award na iginawad sa Pilipinas, hindi rin lalala ang tensyon sa pinag-aagawang teritoryo.