Hangad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mas pinalakas at malawak na implementasyon ng “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program” sa susunod na taon.
Kasunod ito ng pag-apruba ng Department of Budget and Management ng budgetary requirement ng Department of Social Welfare and Development para sa pagpapalawak ng nasabing programa.
Matatandaang ibinaba ni Pangulong Marcos ang Executive Order No. 44 kamakailan na nagdedeklara sa Food Stamp Program bilang flagship program ng pamahalaan para tutukan ang kagutuman sa bansa.
Bibigyan ang programa ng working budget na aabot sa 6 billion pesos na pondo mula sa General Appropriations Act sa bisa ng EO 44 ni Pangulong Marcos.
Ayon kay DSWD Undersecretary Edu Punay, kasalukuyang nasa pilot implementation ang nasabing programa kung saan target nitong matulungan ang tatlong libong pamilya sa limang pilot sites, kabilang ang Tondo, Manila; Dapa, Siargao; San Mariano, Isabela; Garchitorena, Camarines Sur; at Parang, Maguindanao.
Tinatayang aabot naman sa 300,000 ang beneficiaries ng Food Stamp Program kapag naikasa na ang full roll out nito sa Hulyo 2024.
Sa ilalim ng Food Stamp Program, makakatanggap ng electronic benefit transfer card na may lamang 3,000 pesos ang food-poor families o mga nasa lowest income bracket na may buwanang sahod na mas mababa pa sa 8,000 pesos.