Palalawigin ng pamahalaan ang implementasyon ng electronic visa para sa foreign travelers na nasa bansa. Ito ay matapos hilingin ni Indian Ambassador Shambhu Kumaran kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na payagan ang extension ng e-visa para sa Indian nationals na nananatili sa Pilipinas.
Ang e-visa ay travel permit in electronic form. Pinabibilis nito ang proseso ng pagkuha ng visa dahil imbes na mag-apply nang personal sa embassy o consular offices, pwede na itong gawin sa kanilang gadgets. Maaari nang magpa-book ng schedule online ang mga nais bumisita sa Pilipinas gamit lang ang kanilang passport numbers, phone number at email address.
Nagkaroon ng soft launch ang e-visa noong August 24, 2023 sa Philippine Consulate General in Shanghai, China. China ang ikalawa sa may pinakamaraming turista na pumupunta sa Pilipinas bago pa man ang pandemya kaya naman dito napiling gawin ang pilot testing.
Sa kasalukuyan, 15-59 days o halos dalawang buwan ang bisa ng e-visa, depende sa country of nationality ng applicant. Kaya ngayon, ginagawan na ng paraan ng administrasyong Marcos ang extension ng e-visa, hindi lang para sa Indians kundi para sa lahat ng mga dayuhang nasa Pilipinas at gusto pang manatili dito.
Ayon sa Private Sector Advisory Council, makatutulong ang e-visa sa pag-achieve ng economic objectives ng pamahalaan.
Sa kanyang Second State of the Nation Address (SONA) noong July 24, 2023, inilarawan ni Pangulong Marcos Jr. ang tourism sector bilang reliable pillar sa pag-unlad ng ekonomiya dahil nagbibigay ito ng kabuhayan sa higit 5 million Filipinos. Sa implementasyon ng e-visa para sa foreign travelers sa bansa, mas napapalakas ang tourism sector dahil sa pagiging hassle-free nito.