Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpapatuloy niyang gawing prayoridad ang healthcare sa Pilipinas kahit na hindi ito “politically salable” o maaaring ipagbenta.
Ito ang sinabi ng Pangulo sa inagurasyon ng Healthway Cancer Care Hospital (HCCH) sa Taguig kamakailan lang. Ang HCCH ang pinakaunang cancer hospital sa bansa na bunga ng pagdalo ni Pangulong Marcos sa 2023 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit.
Ayon sa Pangulo, madalas hindi ginagawang prayoridad ang healthcare dahil sa political concerns. Gayumpaman, hindi niya ito aniya kayang tanggalin sa kanyang isipan.
Isa sa mga paraan ng Pangulo upang magkaroon ng maayos na serbisyong pangkalusugan ang mga Pilipino ang pag-apruba niya sa pagtatatag ng Universal Health Care (UHC) Coordinating Council. Ang konsehong ito ang titiyak sa mas epektibong implementasyon ng Republic Act No. 11223 o Universal Health Care Law.
Isang malawakang reporma sa healthcare sector ang Universal Health Care Law. Sa ilalim ng naturang batas, automatically enrolled ang lahat ng Pilipino sa National Health Insurance Program.
Samantala, kasalukuyan namang sumasailalim sa structural enhancements ang healthcare system. Sa katunayan, higit sa 3,400 projects ang naitalang nakumpleto dito as of 2022.
Higit sa 60 specialty centers rin ang binuksan na sa publiko upang mapaunlad ang kapasidad ng specialized medical treatment. Kabilang dito ang Clark Multi Specialty Medical Center sa Pampanga na layong magbigay ng topnotch medical care sa mga pasyente nito sa pamamagitan ng comprehensive range of specialized departments gaya ng heart, kidney, cancer, at pediatric centers.
Hinihikayat din ni Pangulong Marcos ang local government units (LGUs) na maglagay ng health facilities sa kanilang lugar at suportahan ang Philippine Health Facility Development Plan 2020-2040.
Ang Philippine Health Facility Development Plan ang nagsisilbing overall strategy para sa infrastructure at medical investments ng bansa. Ipinagtibay ito ng Memorandum circular no. 26 na nilagdaan noong July 25, 2023.
Hinimok din ng Pangulo ang public at private stakeholders na suportahan ang layunin ng administrasyon niyang magkaroon ng accessible healthcare system sa bansa.
Sa patuloy na pagbibigay prayoridad ni Pangulong Marcos sa healthcare sector, inaasahang magkakaroon ang bawat Pilipino ng de-kalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan na siyang hangad niya para sa bansa. Ika nga niya, “No matter how wealthy you are, no matter how successful you are, you cannot enjoy that wealth or that success if you do not have your health. That is why it is a priority.”