Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang batas ang P5.768 trillion 2024 national budget noong December 20, 2023.
Sa signing ceremony na ginanap sa Malacañang, pinaalalahanan ni Pangulong Marcos ang mga ahensya na nagpapatupad ng expenditure program na labanan ang red tape na kadalasang nagiging dahilan ng underspending at overspending.
Ang red tape ay ang sobrang pagsunod sa formal rules na itinuturing na walang kabuluhan.
Sa ilalim ng pamumuno ni King Charles V ng Spain mula 16th century, inihihiwalay ang mga mas importanteng dokumento sa pamamagitan ng pagtatali ng pulang ribbon imbes na simpleng lubid. Sa pagtatapos naman ng Civil War sa Amerika, naging normal ang pagtatali ng pulang ribbon sa napakaraming dokumento upang makakuha ng military records na kailangan para sa retirement claims. Ang mga ito ang pinagmulan ng red tape.
Marami sa atin ang sanay na sa napakahabang pila, napakaraming requirements, at napakabagal na proseso kapag nakikipag-transaksyon sa mga opisina ng gobyerno. Normal man ito para sa iba, halimbawa na ito ng red tape.
Dahil sa napakatagal nga bago makakuha ng request, hindi nakapagtatakang maraming naiinip sa kahihintay. Kaya naman para bumilis ang proseso, nagbibigay sila ng bribe o suhol sa mga opisyal ng gobyerno. Dito na nagsisimula ang korapsyon.
Upang maiwasan ito, nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act No. 9485 o Anti-Red Tape Act noong June 2, 2007. Layon nitong isulong ang transparency, honesty, at responsibility ng mga opisyal ng gobyerno sa pagbibigay ng serbisyong pampubliko. Kabilang sa batas na ito ang mga hakbang upang mabawasan ang red tape sa service transactions.
Noong May 28, 2018 naman, pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Ease of Doing Business Law o Republic Act No. 11032. Pag-amyenda ito sa naunang Anti-Red Tape Act na may layunin ding mapabuti ang sistema at mapabilis ang proseso ng pakikipag-transaksyon sa gobyerno. Sa bisa nito itinatag ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) na nangangasiwa sa pagpapatupad ng provision ng naturang batas.
Isa sa mga probisyon ang prescribed processing time na 3-7-20: 3 days para sa simple transactions, 7 days para sa complex transactions, at 20 days para sa highly technical transactions. Papatawan naman ng karampatang parusa ang mga hindi susunod dito.
Naniniwala naman ang ARTA na susi sa pagpapabilis ng transaksyon ang pagsusulong ni Pangulong Marcos ng digitalization, kasama ang streamlining at automation, sa bansa.
Samantala, bukod sa panawagan na labanan ang red tape, nagpaalala rin ang Pangulo sa mga ahensya ng gobyerno na gamitin nang tama at naaayon sa batas ang national budget, bilang paggalang sa taxpayers na nagbigay-daan upang maging posible ito. Sabi nga niya, “We are working for the people not for ourselves. We are working for the country not for ourselves.”