Sa sunod-sunod na oil price hike, napakalaking tulong ng fuel subsidy program para sa mga tsuper at operator ng public utility vehicles (PUVs). Kadalasang umaabot ng tatlong buwan ang kabuuang proseso nito, pero kamakailan lang, inatasan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang Department of Energy (DOE) na simula sa susunod na taon, dapat pabilisin ng isang buwan ang pamamahagi ng fuel subsidy para sa transport sector. Suportado naman ng netizens ang direktibang ito ng Pangulo.
Ayon kay Energy Secretary Raphel Lotilla, inaabot ng tatlong buwan ang pamamahagi ng fuel subsidy dahil kinakailangan pang pagsama-samahin ng Department of Transportation (DOTr) ang listahan mula sa Land Transportation Franchising ang Regulatory Board (LTFRB), Department of Interior and Local Government (DILG), at Department of Trade and Industry (DTI).
Nais itong pabilisin ni Pangulong Marcos Jr. sa pamamagitan ng pagpapasimple ng requirements para sa fuel subsidy. Dahil sa utos na ito, mas mabilis na mapakikinabangan ng mga benepisyaryong apektado ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo ang ibabahaging ayuda ng gobyerno.
Sa pagpapasimple ng release requirements para sa fuel subsidy program, Department of Budget and Management (DBM), DOTr, at DOE na lang ang kailangang mag-apruba ng guidelines para sa nasabing programa. DOTr ang magiging responsable sa beneficiaries na nasa ilalim ng franchise; DILG naman para sa tricycle drivers; at DTI para sa delivery service drivers.
Sa ilalim ng fuel subsidy program, mabibigyan ng 10,000 pesos ang bawat driver ng modernized PUVs; 6,500 pesos naman para sa traditional PUVs; 1,200 pesos para sa delivery riders; at 1,000 pesos para sa tricycle drivers.
Napakalaking tulong ng PUV drivers sa pang araw-araw nating buhay. Dahil sa kanila, ligtas tayong nakakapunta sa iba’t ibang lugar at nakakauwi sa ating pinanggalingan. Talaga namang masasabing napakahalagang tungkulin ang ginagampanan nila para sa ating mga Pilipino. Sa pagpapabilis ni Pangulong Marcos Jr. sa pamimigay ng tulong sa ating mga tsuper at operators, masisiguro nitong magiging tuloy-tuloy ang kanilang serbisyo para sa bayan.